Wednesday, November 15, 2006


"Adik sa'yo, awit sa akin..."

Pasado hating-gabi na, lahat ay balot sa katahimikan. Dahan-dahang bumabagsak ang ambon sa kapaligiran sabay ng unti-unti paglamig ng ihip ng hangin. Inilabas ko ng isang istik ng sigarilyo at sinindihan ito, ang tanging kasama ko sa kadiliman ng gabi. Hindi ako makatulog, sinusumpong ng insomnya, kaya naisipan kong lumabas sa munti naming veranda. Napakatahimik. Tama lang - para walang mangi-estorbo sa aking ka-dramahan at pagmumuni-muni sa pangungulila ko sa'yo.

"Tilang sawa na sa aking... mga kuwentong marathon..."

Gaano na ba katagal? Gaano katagal nang huli kitang naka-usap, nang huli kong narinig ang boses mo, nang huli kong nakita ang mga ngiti mo, nang huli kong narinig ang mga tawa mo na dati'y puno ng buhay at saya? Oo. Mag-iisang taon na nga pala. Napakatagal na. Ngunit parang kailan lang ay magkatabi tayong nag-uusap at hawak ko ang palad mo. Sa tuwing naiisip kita, hindi ko maiwasang mapabuntong-hininga at manghinayang. Naging mabuti sana tayong magkaibigan - kung naiwasan lang natin ang pagbabangayan.

"Tungkol sayo... at sa ligayang..."

Pinilit kong kalimutan ka, palitan ka, kahit na kamuhian ka para lang hindi ko na kailangang lumingon pa - pero parati ko pa ring natatagpuan ang sarili kong hinahanap ka. Minsan nakikita kita sa dating tagpuan natin, ngunit nawawala kapag ako'y lumapit. Nababaliw na nga siguro ako. Gusto kong kumustahin ka, marinig ang nasa isip mo, malaman ang mga bagay-bagay sa buhay mo ngayon. Nami-miss ko ang dati nating mga pag-uusap dahil ikaw lang talagang, malamang ang nag-iisa, nagpumilit unawain ako. Ilang beses kong ninais na tawagan ka, na kahit pa puno ng pagkayamot ang boses mo, para lamang marinig kang muli, para mapaniwala ko ang sarili ko na andiyan ka pa rin at hindi sa panaginip lang - pero hindi ko magawa. Wala na akong magawa. Huli na ang lahat.

"Iyong hatid... sa aking buhay..."

Inaamin ko, napakatanga ko para hindi malaman ang halaga ng isang tao - hanggang siya’y wala na sa akin. Hindi mo alam kung gaano kahirap ang mabuhay sa pagsisisi. Ang paglingon sa nakaraan na nangangarap na sana’y taglay ang kapangyarihang mabago ito. Ang humawak ng buong lakas sa alaala ng nakaraan ng isang tao dahil alam mong ito lang ang iisang magandang nangyari sa buhay mo. Ang magtanong sa sarili kung anong kinahinatnan ng lahat kung nasabi mo lang ang tamang salita, kung naipahiwatig mo lang ang tunay na nadarama, kung nagmahal ka lang nang buo’t walang takot. Ito’y parang isang kumunoy na dahan-dahan kang hinahatak pailalim.

"Tuloy ang bida sa isipan ko'y ikaw..."

May nakapag-sabi sa akin na may nagmamay-ari na raw sa puso mo. Pinilit kong hindi magpa-apekto, pero kahit ako ay hindi handa sa naramramdaman ko. Pakiramdam ko'y nalulunod ako, nagpupumiglas para lang makahinga. Sa paulit-ulit na pagpapaalam ko sa'yo - ngayon ko lang nalaman na wala pala akong sineryoso ni isa. Sabi nila, kapag mahal mo talaga ang isang tao, dapat kang magparaya kahit na ang kapalit ay ang magpa-alam. Sa pagtila ng ambon, sa pagka-ubos ng yosi ko, sa paghayo ng ihip ng hangin, naitanong ko sa kawalan ng kadiliman - saan? Saan ako magsisimulang magpa-alam sa'yo? Pakiusap, puwede bang sabihin mo sa akin?

"Sa umaga't sa gabi sa... bawat minutong lumilipas..."

"Hinahanap-hanap... hinahanap-hanap kita..."

---

April 2005