Maglalakad ako sa lugar na malayong-malayo sa hallway nang una tayong nagkita, o sa kuwarto na una kong sinabi sa'yong mahal kita, o sa lugar na nag-away tayo at iniwan mo ako, o sa hallway (ulit) kung saan hindi tayo nagpansinan. Maglalakad ako na parang walang pakialam na nakikinig lang sa aking iPod (na siguro naman ay maa-afford ko na), at doon ka lilitaw mula sa kawalan at babanggain mo ako (na parang nasa pelikula), matatapon sa daan ang mga dala mo kasama na ang iPod ko, at magagalit ka at sisigaw at magmumura.
Hihinto ka bigla, matitigilan ka dahil nakangiti lang ako, at makikilala mo ako, mapapangiti ka na parang hindi makapaniwala, at tatanungin mo kung ako nga ba iyon. Pagkatapos ay tutulungan kitang kolektahin ang mga gamit mo, lalabas tayo sa lugar na iyon, at siguro ay yayayain kitang magkape, o magyosi, o maglakad hanggang ngalayin ang mga paa natin. Magkukuwentohan tayo tungkol sa nakaraan, at malalaman mong single ako at malalaman kong single ka rin (o kahit na may anak ka pa), tatawa ka at tatawa ako, at makakalimutan mo na ako ang pinakamumuhian mong tao noong nasa college pa tayo.
Makikilala kita muli at makikilala mo ako muli, susunduin kita araw-araw, tatawagan kita gabi-gabi, at lalabas tayo every weekend (kahit na everyday), hanggang sa mahulog uli ang loob mo sa akin. Tapos magso-sorry ako sa'yo (in person na ngayon), at (siguro naman) mapapatawad mo na ako ng totohanan. Aaminin ko sa iyong mahal pa rin kita after all these years (cross my heart), at napaka-gago at napakatanga ko para hayaan kang umalis sa buhay ko, at kung paanong halos mabaliw ako sa pangungulila sa'yo; hihingi ako ng second chance, at mangangakong babawi ako sa'yo araw-araw hanggang sa ako'y uugod-ugod na sa tanda at bawian ng hininga.
Aalukin kita ng kasal, dahil doon din naman pupunta iyon at alam kong wala na akong makikita at mamahalin pang ibang tulad mo (pero siyempre willing akong maghintay), at tatanggapin mo ang alok ko, at buong-sabik mong sasabihing mahal mo rin ako, at ako ang magiging pinamasayang gago sa buong mundo. Pakakasal tayo at iimbitahin natin ang lahat ng taga-Pilipinas para malaman nila kung gaano ako kasuwerte at mamamatay sila lahat sa inggit; tapos magtatayo tayo ng malaking bahay tabing dagat, o kahit na sa gitna ng bulkan, at magpa-pamilya ng kalahating dosena, and will live happily ever after.
The end.
Bigla akong naalimpungatan dahil sa biglang tawanan ng mga puchang ka-boardmate kong nagsusugal pa rin kahit disoras na ng gabi; tahimik kong minura ang sarili ko dahil nananaginip na naman ako ng gising, kasama ang malalim na buntong-hininga dahil hindi na nga pala ako ang mahal mo at kasalo sa mga pangarap mo. Maghihilamos na lang, magtitimpla ng kape, o magyoyosi, titingala ng konti sa buwan, magtatanong kung magiging tayo pa rin kaya?; at babalik na lang sa pagbabasa ng Med-Surg, na may panlulumo, dahil kailangan ko pang pumasa ng Board.
---
A deja vu of my last year's tendencies for futile daydreaming and emotional masochism.
No comments:
Post a Comment