Saturday, May 10, 2008



Hindi siya galit (hay, salamat) sa akin, o sa kaninoman, at ang tanging dahilan ng kanyang napakahabang katahimikan ay ang kanyang apuradong pag-uwi. Nakabalik na siya sa Pilipinas, sa lubos kong pagkagulat, at ngayon ay nakikitira sa kanyang mga kamag-anak sa Manila, at nagmamayabang na diumano'y namiss ko siya (totoo naman). Hindi ko alam kung bakit, sabagay hindi na siguro importante, kung bakit siya pina-uwi na para bagang salawal lang niya ang kanyang naidala sa pagmamadali. Ang alam ko lang ay narito na siya at pupunta siya sa Cebu sa susunod na linggo dahil sa panibago niyang review, at doon ay magkikita kamidahil nataong pupunta rin ako (sabay halakhak).

Pilit ko mang hindi manabik sa aming muling pagkikita, matapos ang napakahabang panahon, ngunit sadyang hindi ko mapigilan ang aking sariliganoon nga talaga kanyang epekto sa akin. Nanginginig ang aking mga palad na parang pasmadong taga-plantsa, at parang magigiba ang aking dibdib dahil sa lakas ng pagpupumiglas ng aking pusosa tuwing ito'y naiisip ko. Kaya naman hinintuan ko muna ang pagkakape, at tinigilan ang pagyoyosi, at pinapalipas na lang ang panahon sa pagbabasa ng mga lumang komiks. Ilang araw na lang ngunit animo'y napakatagal ang pagtakbo ng mga oras. Wala pa naman akong pasensya sa paghihintay. Pero magkikita kami, sa wakas, magkikita kami!

Ano kayang mangyayari sa muli naming pagtatagpo, matapos ang marami naming awayan, tampuhan, sigawan, hiwalayan? Makikilala pa kaya niya ako? Hindi kaya siya maiilang, o maasiwa, o muling mamuhi sa akin? Nailalarawan kong ngingiti siya, tatawa na parang lasing, at bigla hahampasin ako sa balikat, o sa noo, o di kaya sa mukha, sabay tanong 'kumusta ka na?' Sasagot ako nang nakangiti, mapapailing at hihimasin ang parte na kanyang pinalo, tatawa siguro, magkukunwang hindi apektado, ipapalagay na hindi kumakabog ang dibdib at nanginginig ang mga daliri. Siguro papayag na siya sa imbetasyon kong mag-kape man lang kami, o mananghalian, o manuod ng sine, o mamasyal sa mall, sa parke, sa krus ni Magellan, sa lumang fort na may istatwang unggoy. Mag-uusap kami, gugunitain ang nakaraan, magsisisi, magkakabistohan... Lintik!

Haay, panaginip.

No comments: