Monday, May 12, 2008



Kahit na kay sarap isipin ng aming muling pagtatagpo, ako at si Stella, hindi ko mapigilang makadama ng kaonting pangangamba at pagdadalawang-isip. Gusto ko ba talagang makipagkita kay Stella? Handa ba ako? Ngayon pa lang ay nakikinita ko na ang lahat ng maaring pag-atake sa aking marupok na damdamin, ang resultang hindi pagkatulog sa maraming gabi, at ang pagbabalik ng lubos na pagka-uhaw sa alak. At sa ngayon ay hindi ako sabik upang dalawin muli ang mga ala-ala at mga damdamin na kakamot sa mga naghilom nang sugat. Maaring sabihin mo, kaibigan, na malamang ako ay isang duwag, mahina, o lampa. Pero kung ikaw ang nasa aking kalagayan—hindi mo kaya iiwasan ang mga pangyayaring alam mong delikado? hindi mo ba aalisin ang kamay mo sa apoy kapag nadama mo ang init? hindi ka kaya aatras kung alam mong dehado ka sa laban? Ngunit, sa likod ng lahat, may boses pa rin sa loob kong sumisigaw na 'bahala na!' Bahala na. Ang motto ng pinoy. Sabagay, puwede ko rin namang kunin lang ang puwede kong kunin—ang isang araw sa piling niya. Isang araw, yun lang—isang araw matapos ang apat na taon. Isang araw ng kaligayahan, ng pagbabalik-tanaw, ng kuwentohan, ng tawanan, ng pakikiramdaman, ng pagpapapanggap. O kahit na kalahating araw lang. At pagkatapos noon, puwede ko nang iwanan ang lahat. Makukontento't mabubusog na ako. Kung sana ganoon lang kasimple. Kung sana ayus na ang isang araw. Kung sana may kabusugan. Sana, sana, sana.

Ah, ewan!

No comments: